Direktang nakakaapekto ngayon sa malaking bahagi ng Luzon ang bagyong "Bising" at Southwest Monsoon o habagat, ayon sa PAGASA ngayong Biyernes, Hulyo 4.
As of 2:00 a.m., ganap nang naging bagyo ang binabatanyang low pressure area (LPA) sa extreme Northern Luzon at pinangalanan itong bagyong "Bising," ang ikalawang bagyo sa Pilipinas.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa 200km Kanluran Hilagang Kanluran ng Calayan, Cagayan.
May taglay itong lakas ng hangin na 45km/h at pagbugsong 55km/h.
Kumikilos ang bagyo pa-Timog Kanluran sa bilis na 20km/h.
Samantala, nakakaapekto ngayon ang bagyo sa malaking bahagi Northern Luzon, partikular sa North Western portion ng Ilocos Norte at Western portion ng Babuyan islands, kung saan inaasahan sa araw na ito ang maulap na papawirin at maulan na panahon at pabugso-bugsong hangin.
Inaasahan din ang maulang panahon sa natitirang bahagi ng Ilocos Norte, Apayao, Mainland Cagayan, at Batanes.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa Northwestern portion ng Ilocos Norte (Pagudpod, Bangui, Burgos, Pasuquin, Dumalneg), at Western portion ng Babuyan Islands (Calayan Island, Dalupiri Island).
Posibleng lumabas ang bagyong Bising ngayong araw.
Samantala, maulan na panahon din ang inaasahan sa natitirang bahagi ng Luzon, at bahagi ng Visayas bunsod naman ng hanging habagat o Southwest Monsoon.
KAUGNAY NA BALITA: #WalangPasok: Listahan ng class suspensions para sa July 4, 2025