December 15, 2025

Home BALITA Metro

Sey ni Atty. Abante: Dummy account sa termino ni Isko noong 2022, admin ng MPIO FB page

Sey ni Atty. Abante: Dummy account sa termino ni Isko noong 2022, admin ng MPIO FB page
photo courtesy: Princess Abante, MPIO, Isko Moreno Domagoso (Facebook)

Pinabulaanan ni Atty. Princess Abante na hindi binibigay sa kasalukuyang administrasyon ng Maynila ang Facebook page na Manila Public Information Office (MPIO).

"FACT CHECK: “Hindi binibigay” ang MPIO FB Page access? Hindi po totoo," saad ni Abante sa isang pahayag nitong MIyerkules, Hulyo 2. "Nag-assume ako bilang Head ng Manila Public Information Office noong August 2022. Sa unang meeting, nasabi na sa akin na may admin issue ang MPIO Page."

Giit ni Abante, isang dummy account daw ang naiwan kung saan wala raw isa sa kanila ang may hawak no'n.

"Nang matapos ang termino ng alkalde nung 2022, nawala na ang may hawak ng 'super admin' role sa page. Ang naiwan na lang ay isang dummy account, na admin ng page nung panahon ng termino nila noon. Kahit isa sa naiwan na staff assigned sa MPIO noon ay wala ring access sa nasabing dummy account," aniya.

Metro

Asong naputulan ng dila sa Valenzuela City, resulta raw ng ‘dog fight’

Matatandaang noong 2022 natapos ang termino ng ngayo'y mayor ulit ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso. 

"Lahat ng mga staff na may access ay 'editor' roles lang - na walang admin authority na mag dagdag or mag tanggal ng mga admin sa page. Mula 2022 hanggang ngayon - walang bagong may hawak sa MPIO Page kung di yung mga naiwan din na mga staff sa lungsod. Hanggang ngayon, wala rin admin authority ang naiwan na may access sa page para mag dagdag o mag tanggal ng mga admin sa page," dagdag pa ni Abante. 

Noong Oktubre 2022 daw, agad aniya sila sumulat sa META para humingi ng tulong hinggil sa Facebook page ng MPIO. Ibinahagi rin ni Abante sa parehong post ang kaniyang sulat sa META. 

Gayunman, hindi raw sumagot ang META. 

Iniisa-isa rin ni Abante ang mga aniya'y katotohanan sa likod ng MPIO FB page:

Katotohanan: Pag-upo ng bagong administrasyon nung 2022, natuklasan naming isang dummy account na lang ang natitirang admin ng page.
Wala kahit sino sa mga naiwan na staff ng MPIO ang may access sa dummy account na admin ng page pagkatapos ng halalan nung 2022.
Lahat ng MPIO staff ay naka-assign lamang bilang editors, na walang kakayahang mag-manage ng settings, magdagdag ng admins, o mag-restore access
. Kaya noong October 3, 2022, opisyal kaming sumulat sa Facebook upang humingi ng tulong na maibalik ang admin access. Ito ay documented and verifiable.

Mariin ding itinanggi ni Abante na naka-hostage ang Facebook page. 

"Hindi po ito usapin ng ayaw ibigay. Walang naka-hostage."

Matatandaang nito ring Miyerkules nang ipag-utos ni Domagoso na sulatan ang META upang mabawi ang naturang Facebook page.

"This is a government property. It cannot be hostage by the previous employees of this city hall," saad ni Mayor Isko.

BASAHIN: Mayor Isko, pinasusulatan ang META para mabawi FB page ng Manila PIO