Inanunsyo ng Malacañang ang nakatakdang pakikipagtulungan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa paglilinis ng mga estero upang maiwasan ang pagbaha.
Sa press briefing nitong Huwebes, Hulyo 3, 2025, ipinaliwanag ni Palace Press Undersecretary Claire Castro ang mga gagawing hakbang ng gobyerno kasunod ng banta ng malawakang pagbaha bunsod ng tag-ulan.
“Ipinag-utos na po ng Pangulo na agaran ang paglilinis ng mga drainage dahil ito po ay makakatulong po na maiwasan ang mabilis na pagbaha, lalong-lalo na po dito sa Metro Manila,” ani Castro.
Saad pa ni Castro mayroon na raw na 23 prayoridad na mga estero ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang malinis gamit daw ang ilang teknolohiya.
Samantala, nabanggit din ni Castro na nasabihan na rin daw ang mga ahensya ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa pagpapakilos naman sa mga miyembro ng TUPAD.
“Ipinag-utos din po DOLE, at saka sa DPWH, maasahan po natin yung mga TUPAD beneficiaries na tumulong sa mga estero,” saad ni Castro.