Nilinaw ng Malacañang na wala pa raw malinaw na posisyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., hinggil sa usapin ng divorce matapos itong muling isulong para sa 20th Congress.
Ayon kay Palace Press Undersecretary Claire Castro, tila mas nanaisin umano ng Pangulo na magkaayos pa rin daw ang samahan ng mag-asawa kaysa humantong sa hiwalayan.
"Mas maganda po sana, at yun din po ang nais ng Pangulo, na mas paigtingin natin ang magandang pagsasama ng mag-asawa," ani Castro sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Hulyo 3, 2025.
Dagdag pa niya, "Mas palawigin natin na mas maresolba ng bawat mag-asawa ang kanilang problema para maayos ang kanilang pamilya. Hindi lang para sa kanilang dalawa, kundi para sa kanilang mga anak."
Hirit pa ni Castro, bagama't wala pang malinaw na tindig ang Pangulo sa usapin ng divorce, maaari pa rin daw itong ikonsidera ni PBBM depende sa mga probisyong ilalatag ng panukala nito.
"Sa ngayon po, wala pa pong klarong stance ang Pangulo sa Divorce bill," anang Undersecretary.
"Kapag po maganda yung provisions at makikita rin po natin na ang bawat simbahan ay umaayon na ito ay dapat at nararapat, maaari po itong bigyan ng magandang tugon ng Pangulo," saad niya.
Matatandaang noong Miyerkules, Hulyo 2, nang i-file ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang Divorce bill sa ilalim ng House Bill 108.