Makakasama na sa prestihiyosong Hollywood Walk of Fame ang batikang Filipina singer at aktres na si Lea Salonga matapos mapabilang sa listahan ng mga pararangalan para sa taong 2025.
Kinumpirma ng isang ulat mula sa Billboard, isang kilalang publikasyong pangmusika, na kabilang si Salonga sa 35 personalidad mula sa larangan ng musika, pelikula, telebisyon, teatro, at pampalakasan na napiling tumanggap ng bituin sa sikat na sidewalk ng Hollywood Boulevard.
Nagpahayag ng pasasalamat si Salonga sa pamamagitan ng kaniyang Instagram account, kung saan inilahad niyang ang Manila International Film Festival ang nagnominado sa kaniya para sa karangalang ito. Tinawag niya itong isang “kamangha-manghang balita” at isang karangalang hindi niya inaasahan.
Wala pang tiyak na petsa para sa seremonya ng paggagawad ng bituin, ngunit ayon sa Billboard, may hanggang dalawang taon ang mga napiling personalidad mula sa petsa ng anunsyo upang maisagawa ang kanilang seremonya bago ito mawalan ng bisa.
Ginawaran si Salonga dahil sa kaniyang ambag sa larangan ng live performance sa teatro. Kasama niya sa nabanggit na kategorya si Gabriel "Fluffy" Iglesias.
Nakilala si Salonga sa buong mundo sa kaniyang pagganap bilang Kim sa Miss Saigon at sa pagiging boses ng Disney characters tulad nina Jasmine at Mulan, ay isa sa iilang Pilipinong umani ng pandaigdigang tagumpay sa entablado ng Broadway at West End.