Dalawa ang patay kabilang ang isang pulis at mismong lalaking suspek na kalalaya lang umano mula sa kulungan, matapos niyang mamaril sa loob ng Carmona Police Station, noong Miyerkules, Hulyo 2, 2025.
Ayon sa mga ulat, ilang araw pa lamang daw simula nang makalaya ang suspek mula sa reklamong trespassing, ngunit muling dinala sa estasyon ang lalaki para sa questioning matapos muling maireklamo.
Habang nasa loob ng estasyon ng pulisya, doon na raw nadekwat ng suspek ang baril ng isa sa mga naka-duty na pulis kahit siya ay nakaposas. Mabilis umanong nakapagpaputok ang suspek at tinamaan ang dalawang pulis.
Isang pulis ang naiulat na nasawi habang kritikal naman ang isa pang pulis na nadamay sa naturang pamamaril.
Samantala, nasawi rin ang suspek matapos rumesponde ang ilan pang pulis.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente na naganap sa loob ng presinto. Iniimbestigahan na rin daw ang paghawak ng naturang estasyon ng kanilang security at custodial investigation.