Nagsalita na ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang matapos siyang pangalanan bilang mastermind kaugnay sa pagkawala ng mga sabungerong nawawalang sabungerong itinapon umano sa Taal Lake.
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Hulyo 3, 2025, idiniin ni Atong na pawang pera lang daw ang habol ng whistleblower na si Julie Dondon Patidongan o alyas “Totoy” kapalit ng pananahimik at pag-alis nito sa bansa.
“Si Dondon makikita mo talaga utak n'ya eh, I think pera-pera lang talaga ang habol n'ya. Isipin mo sinasabi n'ya pati kagabi. Bigyan siya ng pera kasi tatakbo na raw. Akala mo yung ginawa n'ya pwede niyang takbuhan nang bigla, hindi ganun eh,” ani Atong.
Hirit pa ni Atong, “Kasi sanay naman yata siyang gumawa ng pera't tumakbo eh. Hindi ko alam ang background n'yan eh.”
Matatandang noong Miyerkules, Hulyo 2, nang idawit ni Patidongan ang pangalan ni Atong kabilang ang aktres na si Gretchen Barretto hinggil sa pagpapapatay sa mahigit 100 mga sabungero.
KAUGNAY NA BALITA: Atong Ang, Gretchen Barretto, kinaladkad sa isyu ng mga nawawalang sabungero
"Si Mr. Atong Ang siya yung chairman ng Pitmaster, siya ang pinaka-mastermind at siya ang pinakanag-uutos na talagang iligpit 'yang mga 'yan," saad ni Patidongan.
Ayon pa kay Atong, matagal na raw nanghihingi ng pera sa kanilang grupo si Patidongan upang hindi raw isiwalat ang affidavit niya na bumulaga kamakailan.
Saad pa ni Atong, nakahanda rin daw silang makipagtulungan sa malawakang imbestigasyon kaugnay ng mga nawawalang sabungero. Habang nitong Huwebes din nang pormal na nagsumite ng complaint-affidavit si Atong laban sa mga alegasyon ni Patidongan.