Nananawagan ang ama ng Maguad siblings na si Cruz Maguad Jr. kina Vice President Sara Duterte at Senador Bato Dela Rosa kaugnay sa mga suspek na pumatay sa kaniyang mga anak noong 2021.
Sa isang Facebook post nitong Huwerbes, Hulyo 3, nanawagan si Cruz sa dalawang opisyal dahil gusto aniya malipat sa ibang kulungan ang mga suspek, aniya, ginagawan umano ng paraan ng gobyerno upang mapaiksi ang panahon ng pagkakakulong ng mga ito.
"Good morning po VP Sarah at Senator Dela Rosa. Nanawagan po Ako sa inyo na kung maaari mabigyan nyo po Ng pabor ang kahilingan ko. Nais ko pong ilipat sa National Bilibid Prison mula sa Davao Penal Colony Ang MGA kriminal na pumatay sa aming mga inonsente at walang kalabanlaban na mga anak," saad ni Cruz.
Ang rason niya, "Dahil ang pagkakaalam ko po pinupuntahan ng mga kawani Ng gobyerno doon at pilit ginagawan Ng paraan upang mapaiksi ang panahon nila sa pagkakulong. Nais ko po kayong makausap in person upang maipaliwag ko nang maayos Ang LAHAT na hinanaing ko kung Inyo pong mararapatin."
"Wala na po akong naisip na iBang mabilis na paraan kundi ang dumulog na Lang Po sa Inyo. Sana po makakarating ito sa inyong tanggapan. Maraming salamat Po at good morning sa inyo...GOD bless po."
Samantala, habang isinusulat ito, wala pang pahayag ang kampo ni Duterte at Dela Rosa. Bukas ang Balita ang kanilang tugon.
KUNG BABALIKAN
Mabalik sa kaso ng Maguad siblings, noong Disyembre 10, 2021 ay sumambulat ang balita tungkol sa pagpaslang sa magkapatid na sina Crizzle Gwynn, 18, at Crizville Louis, 16, sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Bagontapay, M'lang North Cotabato pasado ng alas dos ng hapon.
Narekober sa crime scene ang duguang damit ng mga suspek sa likod ng bahay at kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa magkapatid.
Samantala, nakaligtas naman ang kanilang kasama sa bahay na kinikilala sa pangalan na "Janice," na nakapagtago pa umano sa loob ng silid kung kaya't nakapag-post pa sa kanyang Facebook upang humingi ng tulong.
Dahil si Janice lang ang huling nakasama ng magkapatid at ang tanging nakaligtas, naging isa siya sa mga persons of interest. Dinala siya sa Social Welfare and Development Office sa M'lang, North Cotabato dahil siya ay menor de edad.
BASAHIN: 'Dahil sa selos at inggit?' pumatay sa Maguad siblings, adopted daughter ng pamilya
BASAHIN: 'She's nice and respectful' ina ng Maguad siblings, nagkwento tungkol kay 'Janice'
Mas tumindi pa ang rebelasyon dahil ayon sa ama ng magkapatid na si Cruz Maguad, umamin daw mismo si Janice na pinatay niya at ng kasabwat niya ang magkapatid dahil sa selos at inggit kay Crizzle Gwynn.
Noong Hunyo 2024 ay ibinalita ni Lovella Maguad na nakamit na nila ang hustiya para sa kanilang mga anak matapos mabilanggo nina Janice at ang kasabwat nito.
BASAHIN: 2 suspek sa pagpatay sa Maguad siblings, kulong ng 22 hanggang 37 taon!
BASAHIN: Lovella Maguad: 'Ang batas ay dapat pantay para sa lahat, bakit may tawad pa sa iba?
Noong Mayo 2025, tampok sa "Maalaala Mo Kaya (MMK)" ang kuwento ng magkapatid na Maguad.
BASAHIN: Karina Bautista, kinatatakutan na dahil sa 'Maguad siblings'