Nagbigay ng mensahe si Kapuso headwriter Suzette Doctolero sa ilang mga kritiko ng itinatakbo ng kuwento ng Encantadia Chronicles: Sang'gre, kung saan marami raw sa mga karakter ang "pinatay" na at dinala na sa "Devas" o katumbas ng langit sa tunay na buhay.
Aniya, "Kasama sa mga changes ang title: Encantadia Chronicles, hindi Encantadia na lang. ibig sabihin ito ay kalipunan ng sari saring kwento ng mga pangyayari, lugar at mga characters mula sa ating Encantadia Universe."
"Nagulat at natuwa ako sa sari saring reaksyon (lalo na sa 2nd week eps). Nakita namin kung gaano ninyo kamahal ang Encantadia. Salamat."
Ibinahagi rin ng manunulat na bagama’t gusto niyang ikuwento ang mas marami pang detalye, limitado ito dahil sa format ng palabas—na araw-araw ang labas at nangangailangang iwasan ang mga spoiler.
Isa sa mga binigyang-diin sa post ay ang konsepto ng Devas, na sa kasalukuyan ay kaunti pa lamang ang alam ng mga manonood. Kilala lamang ito bilang katumbas ng "langit", ngunit ayon sa writer, malawak pa ang maaaring tuklasin sa mundong ito.
Patuloy ang pasasalamat ng mga tagalikha ng serye sa mainit na suporta ng fans, na muli na namang nagpakita ng pagmamahal at pagkamangha sa mahiwagang mundong hindi talaga binibitawan ng puso ng Pilipino, subalit sa pagkakataong ito, hayaan daw muna sana ng mga manonood na magkuwento sila at huwag munang i-bash.
"Basta itong Encantadia Chronicles Sanggre ay sa kwento ni Danaya/Pirena at ng mga bagong gen ng Sanggre nakafocus.
Hayaan ninyo muna kaming magkwento. Salamat," aniya.