Pormal na nagsampa ng reklamo si Sen. Risa Hontiveros sa tanggapan ng direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) na matatagpuan sa Filinvest Cyberzone Bay, Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City nitong Miyerkules, Hulyo 2, 2025.
Humihingi ng tulong ang senadora sa NBI upang matukoy ang mga nasa likod ng kumalat na video ng dating testigo sa Senado na si Michael Maurillo. Sa naturang video, naglabas si Maurillo ng mga umano'y maling paratang laban kay Hontiveros at sa isinagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga krimeng may kaugnayan kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Bukod sa maling impormasyon, binunyag din sa video ang mga sensitibong detalye tulad ng pagkakakilanlan ng iba pang mga testigo at ilang miyembro ng staff ng Senado, na isa raw malinaw na paglabag sa kanilang karapatan at seguridad.
Maliban kay Maurillo, inireklamo rin ni Hontiveros ang ilan pang social media personalities, dahil sa umano'y "pinamumudmod at dinadagdagan pa ang mga umano'y kasinungalingang nakalagay sa mga video ni Maurillo."
Batay raw sa ipinayo sa kaniya ng abogado, cyber libel daw ang isinampa niyang kaso laban sa mga personalidad.
"Batay sa payo ng aking mga abogado, cyber libel ang appropriate na ireklamo dito," anang senadora sa panayam sa kaniya ng media pagkatapos ng paghahain ng reklamo.
"Sabihin ko po sa inyo, bilang isang nagtatrabaho sa public service, bukas ako lagi at dapat lang bukas lagi sa mga puna, sa mga kritisismo. Pero hinding-hinding-hindi ako papayag sa ganitong mga pagsisinungaling, mga mapapanganib na pagsisinungaling, lalo na’t ang tinarget ay hindi lang ako."
"Ang tinarget ay ang mga witnesses, ang tinarget pati mga staff ko, tinarget ang Senado mismo," aniya pa.