Pumalag ang Palasyo sa naging pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque matapos niyang sisihin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga nangyari raw sa kaniyang buhay.
Sa press briefing nito Palace Press Undersecretary Claire Castro nitong Miyerkules, Hulyo 2, 2025, tahasan niyang inalmahan si Roque.
“Unang-una po mukhang isinisisi pa po n’ya ang naging kalagayan n’ya at ang kinahinatnan n’ya kay Pangulo at sa administrasyon. Unang-unang tanong: Ano po ba ang kaniyang pruweba? Kuwentong walang kuwenta, kuwentong barbero,” ani Castro.
Nagpahaging din si Castro tungkol sa mga kinansangkutan umano ni Roque na siyang dahilan upang habulin siya ng batas.
Una po, hindi naman po niya yata kasama ang Pangulo nang siya ay nakipag-deal sa Whirlwind at sa Lucky South 99. Hindi rin po niya kasama ang Pangulo nang siya ay naglakad ng permit or license ng Lucky South 99.
Dagdag pa niya, “So, paano niyang isisisi ito sa Pangulo at sa administrasyon?”
Matatandaang kamakailan lang nang igiit ni Roque na hindi nita raw kayang patawarin ang administrasyon ni PBBM na siyang dahilan ng pagkalayo niya sa kaniyang pamilya.
“I will never forgive this administration for what they did to me and my family,” saad ni Roque.
KAUGNAY NA BALITA: Roque, ‘di mapapatawad administrasyong Marcos matapos siyang malayo sa pamilya
Si Roque ay kasalukuyang nasa Netherlands matapos siyang magsumite ng aplikasyon ng asylum sa nasabing bansa matapos siyang masangkot sa kasong human trafficking na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
MAKI-BALITA: Harry Roque, maghahain ng asylum sa The Netherlands
MAKI-BALITA: Harry Roque, pinaaaresto ng Angeles court dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng POGO