Tila pinatutsadahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David ang mga artistang nag-eendorso ng sugal sa mga social media platform.
Iginiit ni Bishop David na walang pinipiling edad at oras ang pagsusugal.
"Wala na yatang mas titindi pang kabaliwan kaysa sa ahensya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa ilegal na offshore gambling, samantalang ginawa namang legal ang online gambling dito mismo sa bayan natin— kumpleto, todo-todo, walang hiya. Bukas sa lahat, sa bata o matanda, 24 oras kada araw, pitong araw kada linggo," aniya sa isang social media post noong Lunes, Hunyo 30.
Dagdag pa niya, "Sino pa ang magtitiis pumuslit sa mga casinong pang-mayaman kung kahit sino puwede nang magsugal habang nakahiga sa sala, sa kwarto, sa bulsa ng bata — sa liwanag ng cellphone? Sino ang may pakialam kung mga batang dapat nag-aaral na ang tumataya ng perang pinaghirapan ng OFW na magulang? Ipinadala sa GCash, isinusugal online, mas malala pa — utang ang taya. Talo na ang pera ng parents nila bago pa makarating sa hapag-kainan o maibayad sa tuition."
Kasunod nito, sinabihan niyang "tulak" ng pasugalan ng mga "bilyonaryongg walang konsensya" ang mga artistang nag-eendorso ng sugal.
"Sino ang may pakialam kung mga niro-role model na mga sikat na artista mismo ang magbenta ng konsensya at mag-endorso ng mga online gambling sites sa social media? Nagpapaupa bilang pushers, tagapagtulak ng pasugalan ng mga bilyonaryong walang konsensya. Nilalambat ang mga inosente at desperado sa malawak na digital na dagat ng sugalan," ani Bishop David.
"Goodbye edukasyon. Goodbye disenteng trabaho. Goodbye sa kinabukasang hangad ng mga pamilyang nagsusumikap. Hello sa isang henerasyon ng mga lulong sa sugal. Noon, walang pakialam kung patayin ang mga addict. Ngayon, walang pakialam kung paramihin sila," ayon pa sa Kalookan Bishop.
"Hindi lang kapabayaan ito — kasabwat tayong lahat. Kung buong henerasyon isinusubo kapalit ng mabilis na kita, tanong: sino ang magliligtas sa atin sa sarili nating kabalbalan? Pupulutin sa kangkungan ang ating bayan— kung hindi tayo aalma para masupil ang kabaliwang ito."