Nauwi sa krimen ang inuman ng ilang mga lalaki sa Misamis Oriental matapos managa ang suspek na naingayan daw sa pagkanta ng sintunadong kainuman.
Ayon sa mga ulat, nagtamo ng taga sa ulo, leeg at likod ang biktima na agad na ikinasawi nito.
Lumalabas sa imbestigasyon na makailang ulit na raw sinasaway ang biktima sa kaniyang pagkanta dahil sa pamali-mali niyang tono na ikinagalit daw ng suspek.
Bigla umanong kinompronta ng suspek ang biktima habang kumakanta ito dahilan upang sila ay magkainitan, doon na raw inundayan ng taga ng suspek ang biktima.
Samantala, mabilis namang nasakote ng pulisya ang suspek. Aminado ang lalaki sa kaniyang ginawa na pagpapatahimik daw sa biktima. Nahaharap siya sa kaukulang kaso.