Ibinunyag ng nagbabalik na si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang tungkol sa ilang mga empleyado ng Manila City Hall na nag-cash advance ng malalaking halaga ng pera noong 2024, na umabot sa milyon at bilyong piso.
Sa isinagawang "Inaugural State of the City Address" ni Yorme Isko, na mapapanood sa kaniyang opisyal na Facebook page, Martes, Hulyo 1, inisa-isa niya ang pangalan at litrato ng mga empleyadong nakapag-CA o cash advance mula sa pondo ng munisipyo at kung magkano ang halagang nakuha nila.
Ang umano'y "summa cum laude" raw na nakapag-cash advance ng nasa ₱1.161 billion sa loob lamang ng anim na buwan ay isang nagngangalang Atty. Marlon M. Lacson.
Nakapag-cash advance daw si Lacson noong Setyembre 2024 hanggang Pebrero 2025, at ang kabuuan o total ng kaniyang CA ay umabot sa ₱1.161B.
Hindi raw ito palalagpasin ni Yorme at aalamin kung bakit at saan ginamit ni Lacson ang nabanggit na cash advance.
"On a personal note, ano namang ginawa n'yo sa Maynila? Wala na ba kayong konsensya?" nasabi na lamang ng alkalde.
KAUGNAY NA BALITA: Utang ng Maynila sa waste management corpo, pumalo sa ₱950M! —Moreno