Nagpaliwanag ang aktres na si Matet De Leon kung bakit siya naging emosyunal habang nagsasagawa ng live selling kamakailan.
Habang abala sa pag-aalok ng corned beef set, biglang huminto si Matet sa pagsasalita. Makikita sa kaniyang kilos na may mabigat siyang naramdaman.
Ilang saglit pa’y napaluha ang aktres matapos silipin ang mga komento ng ilang netizens sa kaniyang livestream.
Bagama't hindi niya tuwirang inilahad kung ano ang nakasaad sa mga mensahe, malinaw sa kaniyang anyo na may mga salitang hindi niya ikinatuwa habang ipinagpapatuloy ang kaniyang online selling.
Ilan kasi sa mga netizen ang nagtatanong kung bakit daw siya nagbebenta na, at kung wala raw ba siyang proyekto na.
Sa panibagong TikTok video ni Matet, sinabi niyang masaya siya sa ginagawa niyang pagbebenta at pagla-live, subalit ang ikinaiyak daw niya, ilang mga netizen na tila "walang puso" sa pagbibigay ng mga insensitibong komento.
"Kaya ako na-bad trip kahapon because of that one person na walang puso at napakawalanghiya, okay. Pero 'yong pagla-live sell, I love it," aniya.
Ipinangako ni Matet na hindi muna o babawasan na muna niya ang pagbabasa ng mga komento kapag nagla-live selling siya.