Pansamantalang isinara ang Parokya ni San Francisco de Asis sa Naga City matapos ang malagim na trahedya.
Matatandaang isang lalaki ang kumitil ng sariling buhay sa loob mismo ng nasabing simbahan pagkatapos ng misa noong Linggo, Hunyo 29.
Sa inilabas na pahayag ng Archdiocese of Cáceres noong Lunes, Hunyo 30, nagpaabot sila ng panalangin at pakikiramay sa pamilya ng lalaki at sa mga parokyanong naapektuhan sa nangyari.
“In these moments of sorrow and uncertainty, the Church offers not judgment, but the hope of Christ's mercy, who came to bind up the wounded and heal the brokenhearted. The Archdiocese is also collaborating closely with the proper authorities,” saad ng Archdiocese.
Kaya naman alinsunod sa Canons 1211-1212 ng Code of Canon Law at sa liturhikal na direktiba para sa pagbabalik sa maayos na kalagayan ng sagradong espasyo, pansamantala muna isinara ang parokya hanggang Miyerkules, Hulyo 2.
Dagdag pa nila, “During this time, public liturgical celebrations will be suspended. The Rite of Reparation and Healing will be held on the evening of July 2, 2025, to restore the church's sacred character and offer communal healing.”
Sa huli, hinimok nila ang bawat isang nakakaranas ng pagdurusa na lumapit sa pari, tagapayo o pinagkakatiwalaang kaibigan para humingi ng tulong.
“We are here for you,” pahabol nila.