December 13, 2025

Home BALITA

'Ha? Bakit ibenta?' FPRRD, hindi umano payag na ibenta ni Honeylet ang 'una niyang biniling bahay'

'Ha? Bakit ibenta?' FPRRD, hindi umano payag na ibenta ni Honeylet ang 'una niyang biniling bahay'
photo courtesy: Alvin & Tourism/FB, contributed photo, MB file photo

Inalala ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang naging sagot ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang tanungin niya kung puwedeng ibenta ni Honeylet Avanceña ang bahay nito sa Davao City.

Sa isang panayam sa vlogger na may ngalang "Alvin & Tourism" noong Hunyo 30, 2025, ibinahagi ni Paolo ang napag-usapan umano nila ng kaniyang ama nang bisitahin niya ito sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands.

Una raw niyang itinanong kung puwede ibenta ang bahay ng lola niya, pagkatapos ay dineretso niya ang pagtatanong tungkol sa bahay nito sa Davao City.

"Eh 'yong bahay mo, Pa? Puwede ba 'yon ibenta ni Honeylet?" tanong daw ni Paolo.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

"Sagot niya: 'Ha? Bakit ibenta 'yon eh 'yon ang una kong binili na bahay? Meron namang iba pang bahay si Honeylet. Mas malaki 'yon'," saad daw ng dating pangulo ayon kay Paolo.

Dagdag pa ni Paolo, wala rin naman daw sila magagawa kaugnay sa pagbebenta ng bahay dahil nakapangalan daw ang titulo kay Honeylet, common-law wife ni FPRRD.

Gayunman, ani ni Paolo na nagsabi umano ang ina niyang si Elizabeth Zimmerman, dating asawa ni FPRRD, na kapag nakalabas na sa ICC ang ama niya ay puwede naman daw ito tumira sa kanila dahil may mga bahay naman daw silang magkakapatid. 

"Kung nabenta na? Wala naman kami magawa na. Sabi ng mama ko kapag nakalabas na ang papa ko, puhon kung makalabas siya, kung wala siyang mauuwian, sa bahay na namin siya titira."

Matatandaang noong Sabado, Hunyo 28, 2025 nang pumutok ang bali-balitang ibinebenta na ang nasabing bahay matapos ang kumpirmasyon ni Honeylet.

Ayon kay Avanceña, siya na lamang daw ang nagpapabalik-balik sa bahay ng mga Duterte kaya’t napag-desisyunang tuluyan na itong ibenta.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Inabandona na?’ Bahay ni FPRRD sa Davao City, ibinebenta na!

Ngunit noong Linggo, Hunyo 29, namataang wala na ang tarpaulin at contact number para sa mga magnanais umanong bumiling bahay ni Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: 'Anyare?' For sale tarpaulin sa bahay ni FPRRD, binaklas na