Naghayag ng saloobin ang tinaguriang “motivational speaker” na si Rendon Labador matapos siyang tanggalin bilang fitness coach ng Philippine National Police (PNP).
Sa panayam ng News5 noong Lunes, Hunyo 30, sinabi ni Rendon na nalungkot umano siya sa nangyari.
“Actually, nalungkot ako. Kasi ‘di ko alam kung anong nangyari. Nakita ko na lang sa news na tinanggal na pala ako,” saad ni Rendon.
Dagdag pa niya, “So, as a normal na tao, siyempre masakit sa akin ‘yon na tanggalin ng PNP. Kasi isang araw pa lang kami nagte-training tapos wala man lang nagsabi sa akin.”
Ayon kay Rendon, wala raw siyang ideya kung bakit siya biglang tinanggal. Hindi raw niya alam kung nadalian ba ang kapulisan sa pinagawa niya o nahirapan.
Matatandaang nilapitan si Rendon ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) para sa “93-Day Weight Loss and Fitness Challenge.”
MAKI-BALITA: Mga pulis, may dapat bawasan para lumiit ang tiyan—Rendon Labador
Ito ay matapos ihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas Torre III na aalisin sa serbisyo ang mga matatabang pulis gayundin ang mga hindi marurunong gumamit ng baril.
MAKI-BALITA: Mga pulis na ‘di marunong gumamit ng baril, tatamaan kay Torre!
KAUGNAY NA BALITA: Bagong utos ni Torre sa kapulisan: Bawal ang bochog, dapat sharp shooter!