December 13, 2025

Home BALITA Eleksyon

Mayor Vico, handang makipagtulungan sa mga katunggali, pero may simpleng kundisyon

Mayor Vico, handang makipagtulungan sa mga katunggali, pero may simpleng kundisyon
Pasig PIO/FB screenshot

Handa raw makipagtulungan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga naging katunggali niya noong nakaraang eleksyon. Ngunit, aniya, mayroon daw siyang simpleng kundisyon.

“Ang mga hindi ko masabi noong campaign period—na ngayon ay puwede ko nang sabihin—sa aming mga katunggali, we extend a hand of peace, we extend a hand of unity. Kung maaari magtulungan tayo para sa ikagaganda ng ating lungsod," saad ni Sotto sa kaniyang talumpati sa ginanap na oath taking at turnover ceremony ng mga bagong-halal na opisyal nitong Lunes, Hunyo 30.

KAUGNAY NA BALITA:: Mga bagong-halal na opisyal ng Pasig, nanumpa na!

“Ngunit, kailangan may mga managot sa mga krimen na naganap," giit ng alkalde. "Una na po d’yan, yung bilyon-bilyong buwis na utang ninyo sa nasyunal at lokal na pamahalaan, bayaran ninyo!”

Eleksyon

#BalitaExclusives: Malawak na alyansa ng oposisyon vs VP Sara sa 2028 elections, posible nga ba?

“Tatayuan po natin kung ano ang tama. Handa po akong makipag-usap kahit kanino. Kahit sa taong siniraan ako. Kahit sa taong sinabotahe ako. Kahit sa taong gumastos nang napakalaki upang sirain ang ginagawa natin sa lokal na pamahalaan. Anyway, sa dulo hindi naman sila nagtagumpay. Mahigit 90% na Pasigueño naniwala sa atin at hindi sa mga kalokohan nila," dagdag pa niya.

Ang simpleng kundisyon lang daw ni Sotto ay ayusin ang problema sa mga hindi nabayarang tax sa lokal na pamahalaan. 

“Handa po akong makipag-usap. Handa po akong makipagkasundo. Kaya po natin makipagtrabaho kahit kanino. Tutulungan ko pa sila. Ayusin lang nila ang problema sa BIR at business taxes sa lokal na pamahalaan. Simple lang po ang aking kundisyon."

Samantala, sinimulan na rin ni Sotto ang kaniyang ikatlo at huling termino bilang alkalde ng Pasig ngayong araw.

KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto, hindi tatakbo sa anumang gov't position sa 2028