Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na nakatakda raw siyang magsumite ng aplikasyon upang magkaroon ng posisyon sa Ombudsman.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hunyo 30, 2025, iginiit niyang sa darating na Biyernes, Hulyo 4, 2025 siya magsusumite ng nasabing aplikasyon.
"Mag-aapply ako, mag-aapply pa lang. I am submitting my application by Friday, before Friday," saad ni Remulla.
Dumipensa din si Remulla hinggil sa nananatiling reklamong inihain ni Sen. Imee Marcos laban sa kaniya at sa ilan pang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"The JBC [Judicial and Bar Council] can always evaluate that properly," anang DOJ Secretary.
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, inatasan 5 gov’t officials na sagutin reklamo ni Sen. Imee ukol sa pag-aresto kay FPRRD
Dagdag pa niya, "I think that I have a lot to offer."
Kung sakaling tanggapin ng Ombudsman, nakatakdang palitan ni Remulla si Ombudsman Samuel Martires na nakatakdang magretiro sa Hulyo 27.