Inilapag na ni Sen. Risa Hontiveros ang mga screenshots na magpapatunay na mismong si Michael Maurillion o alyas "Rene" ang lumapit sa kaniyang opisina upang tumestigo laban kay Apollo Quiboloy.
Kasabay ng kaniyang press briefing nitong Lunes Hunyo 30, 2025, inilabas ng senadora ang nasabing mga resibo na magdidiing wala raw silang pinipilit at binabayaran upang may mahirap na testigo sa Senado.
Sa unang bahagi ng mga screenshot na inilabas ng kampo ng senadora, mababasang si alyas Rene ang dalawang beses na nag-email sa tanggapan ni Hontiveros na umano'y nagpakilalang dating worker ni Quiboloy.
Matatandaang kamakailan lang nang gumawa ng ingay sa social media si alyas "Rene" na nagpakilalang binayaran daw ni Hontiveros upang tumestigo sa Senado laban kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Apollo Quiboloy.
MAKI-BALITA: Sen. Risa, pumalag sa akusasyong nagbayad ng Senate witness kontra FPRRD, VP Sara, Quiboloy
Kaugnay naman ng naging pahayag ni alyas "Rene" na nais din umanong siraan ni Hontiveros ang mga Duterte, inilapag din ng senadora ang mismong draft daw ng affidavit ni Rene na nagsabing may kaugnayan daw sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte kay Quiboloy.
Samantala, nanindigan naman ang senadora na papanagutin niya raw ang nasa likod ng pananakot lalo na raw kredibilidad ng mga testigong kaniyang inihaharap sa Senado.