Kinumpirma ng common-law wife ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña na tuluyan na nilang ibinebenta ang tahanan ng dating pangulo sa Davao City.
Sa kaniyang text message sa DZRH radio station noong Sabado, Hunyo 28, 2025, iginiit ni Honeylet na siya na lamang daw ang nagpapabalik-balik sa nasabing bahay.
“Masakit sa dibdib ko every time I go inside. Ako na lang ang pumapasok diyan. May apat na katulong pero walang amo. We abandoned it after what happened,” ani Honeylet.
Giit pa ni Honeylet, bantay-sarado na raw ang bahay ng CCTV—dahilan upang hindi na rin daw siya makatulog nang maayos.
“I cannot sleep there anymore because the lawyers asked us to install CCTV — even inside the bedroom,” aniya.
Matatandaang nananatiling nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC), si dating Pangulong Duterte nang maaresto noong Marso dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang mga anak ni dating pangulong Duterte na sina Vice President Sara Duterte, Davao 1st district Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte tungkol dito.