January 04, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Ilang mga mag-aaral sa Zamboanga Del Sur, buwis-buhay makapasok lang sa paaralan

Ilang mga mag-aaral sa Zamboanga Del Sur, buwis-buhay makapasok lang sa paaralan
Photo courtesy: Screenshots from Gideon Goc-Ong via State of the Nation (GTV)

Sa likod ng bawat ngiti ng isang mag-aaral ay maaaring nakatago ang mga suliraning hindi basta-basta nababanggit—mga pasaning pilit binabalewala, gaya ng kakapusan sa baon o ang unti-unting paglaho ng gana sa pag-aaral.

Sa isang mundong puno ng inaasahan at kompetisyon, hindi biro ang maging estudyante. Marami ang gumigising araw-araw na bitbit ang pangarap, ngunit kulang sa pamasahe o pagkain.

May ilan ding nakaupo sa silid-aralan, ngunit ang isip ay malayo—gapos ng pagod, pag-aalala, o kawalang motibasyon. Sa sanaysay na ito, sisilipin natin ang mga hamong kinahaharap ng kabataang dapat sana’y inspiradong matuto, ngunit madalas ay nalulunod sa tahimik na laban ng kanilang araw-araw.

Ngunit ang ilang mga mag-aaral sa Mindanao, tila ibang klase ang kanilang pinoproblema. Literal na buwis-buhay.

Human-Interest

Pabalik na sila! Bakit 'main character' mga taga-NCR na pabalik galing sa probinsya?

Nagpabagbag sa kalooban ng mga netizen ang isang viral video mula sa Midsalip, Zamboanga Del Sur kung saan mapapanood ang ilang mga mag-aaral na lumalangoy sa ilog at nilalabanan ang rumaragasang agos nito para lamang makapasok sa kanilang paaralan.

Sa kuhang video ng netizen na si Gideon Goc-Ong na iniulat sa "State of the Nation" ng GTV, makikita ang ilang mga mag-aaral na nakalusong sa maputik na ilog na may malakas na agos dahil sa malakas na pag-ulan. Mapapansing habang tinatawid nila ang ilog, nakataas ang kanilang mga dalang gamit upang hindi mabasa.

Makikita rin sa video ang ilan pang mga mag-aaral na tinutulungan ang iba pang mas maliliit na kasama upang makatawid sa ilog.

Ayon sa ulat, ganito raw lagi ang senaryo sa pagpasok at pag-uwi mula sa kanilang paaralan.

Tinatalakay na raw ng lokal na pamahalaan ang kanilang gagawin para masolusyunan ito.