December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ilang mag-aaral sa Mindanao, tumatawid sa ilog papasok ng paaralan sakay ng salbabida, kabayo

Ilang mag-aaral sa Mindanao, tumatawid sa ilog papasok ng paaralan sakay ng salbabida, kabayo
Photo courtesy: Screenshots from State of the Nation (GTV)

Bawat araw ng pagpasok sa paaralan ay tila isang hamon para sa maraming mag-aaral.

Sa unang tingin, simple at karaniwan lamang ang kanilang mga problema—pagkagising ng maaga, pag-aayos ng gamit, at ang araw-araw na biyahe patungo sa paaralan. Ngunit sa likod nito ay may mga sagabal na madalas ay hindi agad napapansin: ang kakulangan sa pamasahe, pagkaantala sa trapiko, walang baon, kakulangan sa tulog, o ang bigat ng mga iniisip bago pa man makapasok sa silid-aralan.

Pero sa ilang mga mag-aaral sa Davao City, tila literal na problema dahil sa ilog na kailangang tawirin para lamang makapasok sa paaralan. Viral ang video ng netizen na si Ammy Gubat, na iniulat naman sa "State of the Nation" ng GTV ng GMA Network, Sabado, Hunyo 28, kung saan makikita ang ilang mga mag-aaral na nakasakay sa salbabida patungong eskwela, patawid ng Davao River.

Sa panayam sa ina ng ilang mga bata, ganoon daw ang sitwasyon nila kahit hindi umuulan dahil wala raw silang madaanang tulay. Kaya naman, hiling daw nila sa lokal na pamahalaan na sana ay maaksyunan ito.

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Ganito rin ang sitwasyon sa South Upi, Maguindanao Del Sur matapos daw masira ang kanilang tulay na kawayan dahil sa malakas na pag-ulan. Masuwerte na raw kung may mapadaang may kabayo at makisakay sila. Nananawagan sila sa lokal na pamahalaan na sana ay mapaayos na ito.

Sa Zamboaga Del Sur naman, sa kuhang video ng netizen na si Gideon Goc-Ong, makikita ang ilang mga mag-aaral na nakalusong sa maputik na ilog na may malakas na agos dahil sa malakas na pag-ulan.

Mapapansing habang tinatawid nila ang ilog, nakataas ang kanilang mga dalang gamit upang hindi mabasa.

KAUGNAY NA BALITA: Ilang mga mag-aaral sa Zamboanga Del Sur, buwis-buhay makapasok lang sa paaralan

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang mga LGU ng nabanggit na lugar hinggil sa nabanggit na mga isyu.