Usap-usapan sa social media ang panibago umanong larawan ng bahay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City matapos maispatang nakatanggal na ang karatulang “for sale” sa nasabing bahay,
Ayon sa mga ulat, nitong Linggo namataang wala na ang tarpaulin at contact number para sa mga magnanais umanong bumiling bahay ni Duterte.
Matatandaang noong Sabado, Hunyo 28, 2025 nang pumutok ang bali-balitang ibinebenta na ang nasabing bahay matapos ang kumpirmasyon ng common-law wife ni dating Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Inabandona na?’ Bahay ni FPRRD sa Davao City, ibinebenta na!
Ayon kay Avanceña, siya na lamang daw ang nagpapabalik-balik sa bahay ng mga Duterte kaya’t napag-desisyunang tuluyan na itong ibenta.
“Masakit sa dibdib ko every time I go inside. Ako na lang ang pumapasok diyan. May apat na katulong pero walang amo. We abandoned it after what happened,” aniya. Samantala, wala pang kumpirmasyon kung naibenta na o iniurong na ibenta ang nasabing bahay na siyang dahilan kung bakit inalis ang karatulang nakasabit sa gate nito.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag ang mga anak ni dating pangulong Duterte na sina Vice President Sara Duterte, Davao 1st district Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte tungkol dito.