Binengga ni Vice President Sara Duterte ang naging tugon ng Palasyo na handa raw ang bansa na tulungan ang mga tetestigo sa International Criminal Court (ICC) laban sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo noong Biyernes, Hunyo 27, 2025, ikinumpara niya ang aksyon daw ng Palasyo sa mga ICC witness na ililipad patungong Netherlands, kumpara sa tila pagsasawalang bahala raw nito sa mga Pilipinong naiipit ngayon sa tensyon sa Middle East
"May pera ka, mayroon ka palang airplane para mag-haul ng witnesses papunta sa The Hague. Pero wala kang pera, wala kang airplane, at wala kang plano para mag-haul ng mga Pilipino galing sa Middle East," ani VP Sara.
Iginiit din niya na mas may plano pa raw ang gobyerno sa mga witness ng kalaban nito sa pulitika kaysa sa mga Pilipinong nasa Middle East pa rin.
"Wala silang plano para sa mga tao na nagdedelikado yung buhay sa Middle East. Pero may plano sila para sa witnesses kuno ng kaso ng kalaban nila sa politika," saad ng bise presidente.
Matatandaang noong Biyernes din nang nilinaw ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na ang tutulungan lamang ng gobyerno ay ang mga Pilipinong witness na kailangan ng ICC at hindi raw mismo makikipag-ugnayan ang bansa sa nasabing criminal court.
"Parang sa ating pagkakadinig ay tutulungan ng DOJ (Department of Justice) ang mga witnesses para makapag-testify, para mabigyan ng hustisya ang dapat mabigyan ng hustisya. Hindi directly makikipagtulungan sa ICC.
Dagdag pa niya, "It can be said that it is indirectly cooperating with the ICC, but the primary intention is to help the victims and the witnesses of the victims to get the justice they need."