Hindi umano sustenableng solusyon sa problema ang pagbibigay ng ayuda, ayon kay Senador JV Ejercito.
Sa kaniyang latest Facebook live kasi noong Biyernes ng gabi, Hunyo 27, tinalakay ni Ejercito ang adbokasiyang malapit sa puso niya bilang mambabatas.
“Alam n’yo naman ang aking adbokasiya, ‘no. ‘Yong transport modernization, infrastructure development, ito po ay mga long-term na plano. Dahil sabi ko nga, ang layo ng hahabulin natin sa ating mga karating-bansa,” saad ni Ejercito.
Ayon sa senador, dekada 90 pa lang umano ay namuhunan na ang Vietnam, Indonesia, Singapore, at Thailand sa pagpapaunlad ng mga imprastraktura tulad ng skyway, airport, mass transit, at railway system.
Kaya naman makalipas ang 30 taon ay nakatulong umano lahat ng ito sa ekonomiya ng nasabing bansa para makapagpasok ng foreign investment.
Anang senador, “Sa tingin ko, ‘yong infrastructure development ito ang magpapasigla ng ekonomiya po natin. Ito ang magbibigay ng tunay na trabaho sa ating mga kababayan.”
“Opo, nandiyan po ang ayuda. Pero ako, sa panandalian lang ‘yon. Hindi po ‘yan sustainable sa aking tingin. [...] Huwag po tayong umasa na lang sa ayuda,” dugtong pa ni Ejercito.