Pumalag si outgoing Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa naging tirada sa kanila ni Palace Press Undersecretary Claire Castro tungkol sa paggawa ng batas na tutugon daw sa usapin ng presyo ng langis.
Sa Facebook post ni Manuel noong Biyernes, Hunyo 27, 2025, tahasan niyang iginiit na may isinusulong na raw na Kabataan Party-list upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at hindi lang sila puro kritisismo.
"Early into our term as partylist representative, nag-file na tayo ng mga panukalang batas para i-unbundle ang presyo ng langis, at para tanggalin ang VAT and TRAIN excise tax sa oil products," ani Manuel.
Dagdag pa niya, "Ang problema, hindi naging bahagi ng priorities ng Marcos Jr admin ang mga nabanggit. Halfway into its term, wala pa rin itong maayos na plano para ibaba ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa."
Matatandaang kamakailan lang nang igiit ni Castro sa kaniyang press briefing ang mungkahing gumawa na lamang daw ng batas ng Kabataan Party-list para matugunan ang presyo ng langis.
"Kung nais po talaga na madiktahan ang presyo ng krudo, mas maganda pong gumawa na agad ng batas at magbalangkas na rin ang Kabataan Partylist patungkol po dito." ani Castro.
Saad pa ni Castro, "Para kung mayroon na pong batas, ay mai-implement at mae-enforce po ng Executive Department."
Saad pa ni Manuel, mismong ang administrasyon daw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang hindi nagbibigay ng prayoridad sa mga panukalang kanilang isinusulong.
"Ang problema, hindi naging bahagi ng priorities ng Marcos Jr admin ang mga nabanggit. Halfway into its term, wala pa rin itong maayos na plano para ibaba ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa."
Hirit pa ni Manuel, "Act on proposed reforms instead of dismissing criticism."