December 15, 2025

Home BALITA National

'Mas pinipiling mag-live-in!' Bilang ng nagpapakasal, bumaba ng 7.8%—PSA

'Mas pinipiling mag-live-in!' Bilang ng nagpapakasal, bumaba ng 7.8%—PSA
MB FILE PHOTO

Bumaba ng 7.8% ang bilang ng nagpapakasal sa Pilipinas noong 2023, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Mula sa 449,428 na ikinasal noong 2022, bumaba sa 414,213 ang ikinasal noong 2023. 

Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), na nagsuri ng datos, bumaba ang bilang ng mga ikinakasal dahil mas pinipili ng ilang mga couple na mag-live-in at hindi magpakasal.

Base sa 2022 National Demographic and Health Survey (NDHS), ang bilang ng mga kababaihang nasa edad 15 hanggang 49 na nakikipag-live in ay tumaas mula sa 5% noong 1993 patungong 19% noong 2022.

National

'Nandito si Mama, naghihintay sa 'yo!' Nanay ng nawawalang bride-to-be, nanawagang maibalik nang maayos ang anak

Napag-alaman naman sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality (YAFS) study na 12% ng mga Pilipino na may edad 15-24 ay may live-in partner.

“The decline in marriages reflects changing realities as families of today come in many forms,” ayon kay CPD Executive Director Undersecretary Lisa Grace S. Bersales

“While we uphold marriage as a sacred institution, we must also protect couples who choose alternative arrangements and ensure the welfare of every individual, ensuring no family is left behind in our nation’s development,” dagdag pa niya.

Samantala, sa datos ng PSA, nakapagtala sila ng pinakamaraming bilang ng ikinasal noong Pebrero 2023 na umabot sa 52,501. Pumangalawa ang Disyembre 2023 na may 43,966; at pumangatlo ang Hunyo 2023 na may 43,295 ikinasal. 

Kung pag-uusapan ang rehiyon, nangunguna ang CALABARZON na may mataas na bilang na ikinasal noong 2023, kung saan umabot sa 60,541. Sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 51,892 ikinasal at Central Luzon na 47,684.

Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) naman ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng ikinasal na 2,162.