Naghayag ng saloobin ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap sa mga nagagalit umano sa mga batang gustong tumulong sa magulang.
Sa isang Facebook post ni Darryl noong Biyernes, Hunyo 27, kinuwestiyon niya ang mga pumupuna sa kagustuhan ng bata na maihaon sa hirap ang pamilya.
“Bakit natin kukulayan ang motivation ng bata? yun ang gusto nya— iahon ang pamilya nya, suklian ang pagod ng magulang nya. patikimin sila ng mga masasarap na pagkain, bilhan ng damit, sasakyan at alahas,” saad ni Darryl.
“Nag-iinarte na naman kayong kawawa ang bata—’pinapapasan ang resposibilidad sa kanya’, ‘bata pa lang nagagamit na,’ ‘gagawing gatasan,’” wika niya.
Dagdag pa ng direktor, “Ang mga nagsasabi lang niyan ay yung mga hindi nakita ang pagpupunyagi ng magulang, hindi personal na dinanas ang hirap ng isang pamilya, at higit sa lahat—nangarap mag-isa.”
Ayon kay Darryl, natural umano sa mga Pilipino na mangarap hindi lang sa sarili kundi para din sa pamilya.
[H]indi ba’t mas nakakabahala yung sumagot ang bata sa tanong na ‘Bakit gusto mong magtagumpay sa buhay?’ ‘GUSTO KO PONG MAGTAGUMPAY PARA SA SARILI KO LANG, IWAN KO ANG PAMILYA KO SA KUNG NASAAN SILA DAHIL DI KO NAMAN SILA KARGO, BASTA PAG NANALO AKO SA BUHAY—AKO LANG, DI DAMAY-DAMAY, dahil isa akong EWW, EMO-WEAK-WOKE’” hirit pa niya.