Nagbigay ng reaksiyon ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin kaugnay sa isang vlog ni Kapamilya sexy-actress Ivana Alawi.
Sa nasabing vlog ay sumalang si Ivana sa lie-detector test. Isa sa mga naitanong sa kaniya ay kung nanira ba siya ng pamilya. Pero ang sagot niya, “No.” At kinumpirma naman ng lie-detector na nagsasabi siya ng totoo.
MAKI-BALITA: Ivana, sumalang sa lie-detector test; hindi homewrecker
Sa latest episode ng “Showbiz Now Na” nitong Sabado, Hunyo 28, sinagot ni Cristy ang tanong sa kaniya ng mga co-host niyang sina Romel Chika at Wendell Alvarez kung naniniwala ba talaga siyang hindi homewrecker si Ivana.
“Ako, dalawa ang sagot ko diyan,” sabi ni Cristy. “Oo at hindi. ‘Yong hindi, maaaring bago siya makipagrelasyon, tinitiyak niya muna na hiwalay na ‘yong kaniyang makakarelasyon sa dating karelasyon. Nililinis niya muna ang daan para walang nasisirang pamilya.”
Dagdag pa niya, “Pero ‘yong oo, kung ang papaniwalaan natin talaga ‘yong mga resibo na ipinakita, maaaring oo ‘yon. Pero mahalaga ‘yong sinabi niyang ‘hindi ako homewrecker. Galing ako sa isang broken family.’ Ako [pinaniniwalaan] ko ‘yon.”
Matatandaang nakaladkad kamakailan ang pangalan ni Ivana sa kasong isinampa ng estranged wife ni dating mayor at ngayo’y Bacolod lone district Rep. Albee Benitez.
Batay sa isang kumakalat na sworn complaint-affidavit ng dating misis ni Benitez, nagkaroon umano ng paglabag ang kongresista sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (VAWC) dahil sa "emotional at psychological abuse" na ginawa nito sa kaniya matapos ang umano'y "extra-marital affairs" nito kay Ivana.
Ngunit ayon sa abogado ni Benitez na si Atty. Peter Sanchez, isinampa umano ni Nikki ang naturang kaso matapos simulan ng kaniyang kliyente ang annulment proceedings noong 2024.
MAKI-BALITA: Ivana Alawi, nakaladkad sa VAWC case ng estranged wife ni Albee Benitez