Ramdam na raw ng ilang nagtitinda ng isda sa Batangas ang epekto ng rebelasyong itinapon umano ang bangkay ng mga nawawalang sabungero at ilan pang drug lords sa Taal Lake.
Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Biyernes, Hunyo 27, 2025, kabilang ang isdang Tawilis na kilalang matatagpuan sa Taal ang unti-unti raw pinangingilagan ng mga parokyano dahil sa mga balitang nag-uugnay sa lawa ng Taal at krimen.
Batay sa nasabing ulat, mag-iisang linggo na raw na matumal ang bentahan ng Tawilis at iba pang isda sa probinsya dahil sa pangamba raw ng ilang mamimili.
Ilan umano sa mga agam-agam ng mga mamimili ang posibilidad na baka raw nakain ng mga isda ang bangkay ng mga itinapon sa Taal.
Kaya naman depensa ng ilang nagtitinda, "Mga alaga po kasi lahat ito. Kaya safe na safe."
Kung dati raw ay halos ubos na ang paninda nila sa tanghali, ngayon ay umaabot na raw ito ng maghapon.
Matatandaang kamakailan lang nang isiwalat ng nagpakilalang si alyas "Totoy" ang kinahinatnan umano ng mga nawawalang sabungero na umano'y pinatay at saka itinapon sa Taal Lake.
KAUGNAY NA BALITA: Bangkay ng mga nawawalang sabungero, itinali sa sandbag para lumubog sa Taal Lake
Ayon sa Department of Justice (DOJ) patuloy ang imbestigasyon nila at paghahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy upang ipsisid ang lokasyong sinasabing mismong pinagtapunan sa bangkay ng mga biktimang apat na taon ng nawawala.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ makikipagtulungan sa PCG, Navy para sa mga nawawalang sabungerong inilibing sa Taal Lake