Nakikiisa ang Akbayan Party-list sa malawakang selebrasyon ng Pride Month nitong Sabado, Hunyo 28, 2025.
Sa kanilang pagdalo sa Pride March sa University of the Philippines sa Quezon City, inihayag ni Akbayan Party-list Rep. Percy Cendaña ang mas matibay na pagsusulong daw nila ng batas na magbibigay ng pwersa sa LGBTQIA+ community sa paparating na Kongreso.
"Sa pag-aakbayan natin, we enter the 20th Congress with the fullest pride that our fight for equality will finally prevail. Nananalig ako na dadami pa ang mga kampeon ng equality sa Kamara. Ipapasa natin ito," ani Cendaña.
May hamon din si Cendaña sa mga lider na magtatangka pa raw na haraning maipasa ang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill.
"Huwag nang subukan harangan ng ‘agents of hate’ ang SOGIESC Equality Bill. Let’s put it to a vote para magkaalaman kung sino ang pro-discrimination at pro-equality. For the pro-discrimination legislators, it’s time to come out of your closets," ani Cendaña.
Tinawag din niyang "bare minimum" ang pagkakabinbin ng naturang bill sa loob ng 25 taon.
"Something as ‘basic’ as the SOGIESC Equality Bill should not have languished for 25 years in Congress. Sobrang bare minimum. Let the 20th Congress be the one that stood with, and not against, the most basic of human rights," aniya.
Nananatili ang selebrasyon ng Pride Month hanggang hating gabi nitong Sabado, Hunyo 28 kung saan inaasahang makikilahok ang iba pang mga personalidad bitbit ang pagpapaingay sa panawagang pantay na karapatan at batas sa para sa hanay ng LGBTQIA+ Community.