Nilinaw umano ng Australia na hindi nila ikonokonsidera at wala sa kanilang plano na kupkopin si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling mapagbigyan daw ang interim release nito mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa mga ulat, bagama’t alam umano nila ang naturang pending application ng kampo ng dating Pangulo sa ICC sa usapin ng interim release, wala raw silang planong manghimasok dito.
Matatandaang nauna nang inihayag ni Vice President Sara Duterte na ikinokonsidera daw ng kanilang kampo ang nasabing bansa upang doon pansamantalang manatili ang kaniyang amang si dating Pangulong Duterte, matapos ang kaniyang pagbisita doon at dumalo sa isang Free Duterte Rally sa Melbourne.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nasa Australia para sa 'personal trip'
Ayon pa sa mga ulat, naniniwala umano ang gobyerno ng Australia na mas nararapat daw na ang ICC ang magdesisyon para kay Duterte.
Kasalukuyang nakadetine sa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD