Tila may pasaring ang Malacañang sa mga lider na hindi umano nagmamahal sa Pilipinas, kaugnay ito sa pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa pakikipagrelasyon daw niya sa lahat ng bansa.
Sa kaniyang press briefing nitong Biyernes, Hunyo 27, 2025, naunang ikumpara ni Palace Press Undersecretary Claire Castro ang tugon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang sagot umano sa nasabing pahayag ni VP Sara.
“Sinagot ni Vice President Sara yung pagkaka-tag sa kaniya as pro China. Sabi n'ya she's not for any country at all. Sabi n'ya willing to maintain and level-up our relations with all countries hindi lang sa China. Reaksiyon po dito ng Palasyo?” anang reporter.
“Ang Pangulo po ay taas noo at ipinagmamalaki na siya ay Pro-philippines. Sinabi n'ya na he will not yield, even an inch of our territory,” ani Castro.
Inungkat din ni Castro ang sikat na kasabihan ng Pambansang Bayaning si Jose Rizal, bagama’t walang direktang pinatatamaan.
“Sabi nga po ni Dr. Jose Rizal, 'ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa hayop at malansang isda.' Paano pa kaya ang isang Pilipino at isang lider na umamin na hindi mahal ang kaniyang sariling bansa? Ano kaya ang kanilang amoy?” saad ni Castro.