January 30, 2026

Home BALITA

Japan, posible raw tumulong sa paghahanap ng mga missing sabungero

Japan, posible raw tumulong sa paghahanap ng mga missing sabungero
Photo courtesy: Pexels

Hindi iniaalis ng Philippine Navy ang posibilidad na tumulong umano ang Japan sa inaasahang operasyon upang mahanap ang mga nawawalang sabungerong pinaniniwalaang itinapon daw sa Taal Lake.

Sa isang radio interview nitong Biyernes, Hunyo 27, 2025, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson Capt. John Percie Alcos na maaaring sumaklolo ang Japanese Maritime Self-Defense Force kung sakaling magbigay na raw ng pahintulot ang Department of Justice (DOJ) sa nasabing operasyon.

“Napakaganda po ng ating pakikitungo sa Japanese Maritime Self-defense Force, specially nitong mga huling taon, kaya hindi po malayo na tutulungan nila tayo sa mga ganitong operasyon,” ani Alcos.

Kaugnay nito, nauna nang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroon na raw silang draft upang humingi ng requests sa Japan, partikular na sa mga kagamitang maaaring magamit sa lokasyon ng lawa ng Taal.

'Tama din po sila:' Vlogger na may-ari ng pinatigil na care facility, tanggap ang desisyon ng DSWD

“I have instructed my staff to draft a letter to the Japanese government and to ask for their ROVs, remote operating vehicles, at yung mga equipment na kasama nito para mamap natin ang lake bed ng Taal para makita natin kung anong mga sediments ang pwede natin tingnan at istorbuhin para mahanap natin ang ating hinahanap,” ani Remulla sa isang panayam kamakailan.

Matatandaang si alyas “Totoy” ang pinakabagong whistleblower na nagbunyag ng sinapit umano ng 34 na mga nawawalang sabungero kabilang ang ilang drug lords na ipinatumba umano ng hindi pa pinangangalanang mga suspek kabilang ang ilang miyembro raw ng Philippine National Police (PNP).

KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake

Ayon naman kay Remulla, kinakatigan daw nila ang mga isiniwalat ni alyas Totoy.

"Credible enough [si Totoy] and sabi ko nga, 'di lang testimony, may video pa nga [siya] na hawak na magpapatunay na sinabi n'ya," saad ni Remulla.