December 13, 2025

Home BALITA Metro

Sandamakmak na basura, nilinis ng MMDA sa Maynila

Sandamakmak na basura, nilinis ng MMDA sa Maynila
Photo courtesy: MMDA (FB)

Ibinahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasagawa nila ng paglilinis sa ilang mga kalsada sa Maynila dahil sa mga sandamakmak na basura.

Umaga ng Huwebes, Hunyo 26, nang ipakita ng MMDA sa kanilang official Facebook page ang mga larawan ng lansangan sa Maynila, na anila'y napakaraming nagkalat na basura.

"Patuloy ang paghahakot ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa sandamakmak na basura na nagkalat sa lansangan ng Maynila, partikular sa Dagupan Street sa Tondo at Jose Abad Santos ngayong araw," anila.

"Ang mga basurang ito ay maaaring mapunta at bumara sa mga daluyang tubig na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa Metro Manila kaya naman puspusan ang operasyon ng MMDA."

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

"Paalala ng MMDA: maging responsableng tagapangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatapon ng basura sa tamang lugar."

"Bukod sa Maynila, nakatutok din ang pagsasagawa ng mga cleaning operations sa iba't ibang lugar ng Kalakhang Maynila bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan."

Bandang hapon ay ibinida ng MMDA na nalinis na nila ang mga nabanggit na kalsada.

"Ilang lansangan sa Maynila ang nadadaanan na nang maayos at malinis sa patuloy na pagtulong ng MMDA sa paghahakot ng tambak na basura na nagiging sanhi ng pagbara sa mga daluyan ng tubig."

"Sa datos ng Metro Parkway Clearing Group, higit sa 58 tonelada ng basura na ang kanilang nahahakot sa Tayuman St., Jose Abad Santos corner Antipolo St., Dagupan St., New Antipolo St., District 2 - Tondo, Manila at North Bay Honorio Lopez Boulevard, Tondo, Manila."

"Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, magpapatuloy ang operasyon ng MMDA gamit ang hauler nito sa pagkolekta ng tambak na basura sa mga lansangan na dulot ay mabahong amoy na nakakaapekto na rin sa mga residente ng Maynila."

"Katuwang ang MMDA Solid Waste Management Office, agad na dinadala ang mga nahahakot na basura sa Navotas Sanitary Landfill."