Nilinaw ng Supreme Court (SC) na hindi sapat na rason ang pagkakaroon ng romantic relationship upang hindi maakusahan ng rape ang isang taong namimilit at nanakot na makipagtalik sa kaniyang karelasyon.
Batay sa naging hatol na inilabas ng SC sa kaso ng 14 na taong gulang na babae na tinakot umano ng kaniyang karelasyong makipagtalik—rape at sexual abuse ang isinampa nila laban sa lalaki.
Ayon sa mga ulat, hindi kinatigan ng Korte Suprema ang depensa ng akusado na umano'y may consent at boluntaryo ang pakikipagtalik sa kaniya ng biktima dahil umano sa pagkakaroon nila ng romantikong ugnayan.
"A love affair does not justify rape, for the beloved cannot be sexually violated against her will," anang SC.
Dagdag pa nila, "Notwithstanding the proven fact of their relationship, this Court adds posthaste that this would not necessarily establish consent.
"As ruled in Olesco, it is insufficient to merely prove that the accused and the victim were lovers; it must likewise be shown via compelling evidence that the victim consented to sexual relations," anila.
Nangyari ang insidente nang mag-aya umanong makipagtalik ang suspek sa biktima ngunit tinanggihan ito ng dalagita dahil sa kasagsagan ng kaniyang menstrual period.
Doon na raw nanakot ang lalaki at sinabing ipakikita sa kaniyang mga kaanak ang kanilang intimate video, kaya't napilitan ang biktima na pumayag, bunsod ng takot.
Matapos ang ilang araw, napansin daw ng lola ng biktima ang pagdurugo sa pang-ibabang damit ng dalagita. Doon na raw umamin ang biktima na agad nilang ipinagbigay-alam sa pulisya.
Batay sa desisyon ng SC, guilty ang kanilang hatol sa suspek na mahaharap sa reclusion perpetua. Pinagbabayad din siya ng ₱75,000 para sa civil indemnity, ₱75,000 para sa moral damages, at ₱75,000 para sa exemplary damages.