May itinapat ang Malacañang sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte laban sa naging pagdalo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa drug incineration sa Tarlac noong Miyerkules, Hunyo 25, 2025.
Sa Press briefing nitong Huwebes, Hunyo 26, ipinakita ni Palace Press Undersecretary Claire Castro sa publiko ang dating larawan ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na minsan na ring dumalo sa pagsira ng mga nasabat na ilegal na droga noong 2020.
"Baka po nakalimutan din po ng Bise Presidente na ang kaniyang ama ay nagkaroon din po ng pagwi-witness sa incineration ng ₱7.51 bilyon ng dangerous drugs sa Cavite," ani Castro.
Hirit pa ni Castro, "2020 lamang [ang larawan], so baka nakalimutan po ito ni Bise Presidente."
Matatandang noong Miyerkules din nang nagkomento si VP Sara sa mga larawan ni PBBM sa drug incineration sa Tarlac at iginiit na hindi raw trabaho ng Presidente na dumalo sa ganoong gawain. Hirit pa niya, photo ops lang daw ang idinayo roon ng Pangulo.
Banat pa ng Malacanang, "Ang pagtatrabaho po ng Pangulo ay dapat maramdaman ng tao. Hindi po ito pang-photo ops lang. Ito ay nagsisilbing babala sa mga kriminal. Nagsisilbi rin po itong inspirasyon sa taumbayan na nais masawata ang ilegal na droga."