Pinawalang-sala ng mababang hukuman ang 12 pulis, na kinabibilangan ng isang police colonel, sa kinakaharap na kasong multiple murder kaugnay ng kontrobersiyal na shootout sa Atimonan, Quezon na nagresulta sa pagkamatay ng 13 katao, noong taong 2013.
Batay sa desisyong inilabas ni Manila Regional Trial Court Branch 27 Judge Teresa Patrimonio-Soriaso, nabatid na kabilang sa mga inabswelto sa kinakaharap nilang multiple murder charges sina PCol. Hansel Marantan, Ramon Balauag, Grant Gollod, John Paolo Carracedo, Timoteo Orig, Joselito de Guzman, Carlo Cataquiz, Arturo Sarmiento, Eduardo Oronan, Nelson Indal, Wryan Sardea, at Rodel Talento.
Anang hukuman sa desisyong na-promulgate noong Hunyo 23, ang mga pulis ay tumupad lamang sa kanilang tungkulin at naharap sa ‘actual’ at ‘imminent danger’ sa isinagawa nilang operasyon na ang target ay ang umano’y jueteng lord na si Vic Siman.
Dagdag pa nito, ang mga pulis at militar ay gumamit ng rasonableng puwersa sa operasyon.
Tinukoy rin nito ang tinamong seryosong pagkasugat ni Marantan, bilang patunay sa ‘unlawful aggression’ ng mga suspek.
“In the face of actual and imminent danger to their lives and limbs, with the information that the occupants of the Montero SUVs (sport utility vehicles) were fully armed, the policemen and soldiers acted swiftly,” anang desisyon ng hukuman.
“The force used to overcome the unlawful aggression was reasonable,” anito pa.
Kaugnay nito, ipinag-utos rin ng hukuman na kanselahin at i-release na ang bail bonds ng mga akusado.
Dagdag pa nito, “The bail bonds posted by each of the accused for their provisional liberty are ordered canceled and released.”
Samantala, ang kaso naman laban sa isa pang pulis na si Bhazar Jailani ay in-archived habang hindi pa ito naaresto.
Matatandaang naganap ang operasyon noong Enero 6, 2013 sa Maharlika Highway sa Atimonan.
Anang mga awtoridad, dalawang SUV na kinalululanan nina Siman at kanyang mga kasama, ang nagtangkang bumangga sa isang checkpoint, na nagresulta sa engkwentro.
Idinepensa ng Philippine National Police (PNP) na ang engkwentro ay isang lehitimong operasyon laban sa isang gun-for-hire syndicate ngunit inilarawan ito ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang isang rubout.