Isang video na kuha mula umano sa bahagi ng Maynila ang inilapag ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso sa kaniyang Facebook page nitong Huwebes, Hunyo 26, 2025.
Laman ng naturang video ang tambak na basura sa gilid ng basura na dinadaan-daanan na lamang ng mga sasakyan.
Ayon kay Domagoso, nakakatanggap na raw siya ng mga panawagan hinggil sa nasabing problema sa basura sa iba't ibang parte ng Maynila.
"Nakakalungkot na sitwasyon ng ating Lungsod! Natanggap ko din po ang mga panawagan n’yo sa iba’t ibang bahagi ng buong Maynila," ani Isko.
Mensahe pa niya, aaksyunan daw niya agad ang nasabing problema sa pag-upo niya sa puwesto sa darating na Hunyo 30.
"Pumanatag po kayo reresolbahin po natin agad ‘yan the moment we assume office on June 30, 2025 12:01pm," aniya.
Matatandang isa ang isyu ng basura sa naturang lungsod ang ibinala ni Domagoso sa kaniyang pangangampanya na mariin namang binuweltahan ni outgoing Manila Mayor Honey Lacuna.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ni Mayor Lacuna: 'Hindi po dugyot ang Maynila'
“Hindi po dugyot ang Maynila. Ito po ay napatunayan na namin. Ito po ay naging dugyot lamang noong umalis po yung tagahakot ng basura, na alam na alam naman po ng lahat na kakampi n'ya. 'Yon lamang po ay isang pagkakataon, pero ngayon po, malinis na po ang lungsod,” ani Lacuna sa panayam sa kaniya ng media noong Marso.