Inisip daw ng Kapamilya actor na si McCoy De Leon na huling proyekto na niya ang action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo" kaya naman ibinigay na niya ang lahat ng kaya niyang ibigay para dito.
Ibinahagi kasi ni McCoy ang kaniyang farewell at appreciation post para sa pamamaalam niya sa karakter na ginampanan, si David Dimaguiba, na pasaway na kapatid ni Tanggol, na ginagampanan naman ni Coco Martin na siya ring direktor nito.
KAUGNAY NA BALITA: David, tinodas na sa ‘Batang Quiapo!’
Pinatay na nga sa episode noong Martes, Hunyo 24, ang kaniyang karakter matapos siyang pagbabarilin ni Miguelito Guerrero, na ginagampanan naman ni Jake Cuenca, na kalaban ni Tanggol sa pagka-mayor ng Maynila.
"I thought this was going to be my last project kaya sinabi ko sa sarili ko na I’ll give everything I’ve got, lahat ng natitira sa akin. Not just as an actor, but as someone who truly loves this craft. Sabi ko sa sarili ko, 'Bigay ko na lahat, last na ’to eh.'"
"Sa lahat ng katrabaho ko sa buong set during taping, ang daming memories na mamimiss ko. Kasama na ang mga discussion ng lines, minsan napapagalitan din kami hehe, puyat, pagod, mga sugat at pasa, mga tawanan, mga kwentuhan at simpleng bonding moments on set. Salamat! Sa dalawang taon at kalahati ba naman, tinuring ko na rin itong isa pang tahanan," aniya pa.
Ayon pa sa aktor, binago raw siya ng proyekto at habambuhay raw niyang dadalhin sa mga susunod na gagawin ang mga natutuhan niya rito.
"This wasn’t just another project, it changed me. I’ll forever carry the lessons it gave me and I hope it gave you something real too."
"Kaya rin dapat pala lagi natin tratuhin ang bawat proyekto na parang ito na ang huli. Dahil doon lumalabas ang tunay na puso, dedikasyon at pagmamahal sa ginagawa. Now I’m ready for another 'It Was My Last Project.'"
Samantala, nagpasalamat din siya sa kaniyang "Kuya Coco" na siya raw naging dahilan kung bakit siya napasama sa proyektong ito.
"At siyempre, maraming salamat kay Kuya Coco, ang utak at puso ng proyektong ito. Siya ang nagbigay sa akin ng tiwala, at sa kanya galing ang oportunidad na mapunta ako sa ganitong klaseng papel. Isa siyang tunay na kuya para sa akin. Hindi ko malilimutan ang chance na ibinigay niya para gampanan si David Dimaguiba," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: McCoy De Leon, nagpasalamat sa mga nainis sa kaniya sa Batang Quiapo