Deretsahang iginiit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mabigat umano ang nasa likod ng sinapit ng mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang itinapon daw sa Taal Lake.
Sa panayam ng media kay Remulla nitong Huwebes, Hunyo 26, 2025, iginiit niyang malakas umano ang mastermind sa nabing krimen na posible raw masuhulan maging ang ilang miyembro ng kawani ng gobyerno.
"Ang bigat ng kalaban dito kasi ang perang iyan, nakakapasok iyan even sa judiciary—and that is one thing that we might have to talk with the Chief Justice about that kasi mabigat ang pera ng e-sabong, hindi ito basta-bastang kalaban," anmi Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, kahit umano ang Supreme Court (SC) kaya ring padulasan ng itinuturong suspek ng testigong si alyas "Totoy."
"Basta yung sinasabing mastermind, in his own words, kahit daw SC kaya n'ya. Kaya kailangan kausapin ang Chief Justice," anang DOJ Secretary.
Matatandaang si alyas Totoy ang pinakabagong whistleblower na nagbunyag ng sinapit umano ng 34 na mga nawawalang sabungero kabilang ang ilang drug lords na ipinatumba umano ng hindi pa pinangangalanang mga suspek kabilang ang ilang miyembro raw ng Philippine National Police (PNP).
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Ayon naman kay Remulla, kinakatigan daw nila ang mga isiniwalat ni alyas Totoy.
"Credible enough [si Totoy] and sabi ko nga, 'di lang testimony, may video pa nga [siya] na hawak na magpapatunay na sinabi n'ya," saad ni Remulla.