Nakatikim ng ganti ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo nang gantihan sila ng isang concerned citizen dahil sa pagbaril nila sa isang menor de edad.
Ayon sa mga ulat, dead on the spot ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo habang naisugod pa sa ospital ang mismong sakay niyang gunman ngunit binawian din ng buhay.
Makikita rin sa kuha ng CCTV na malapit sa lugar na isang tricycle driver pa ang tinamaan ng naturang concerned citizen sa paghabol niya sa riding in tandem.
Ayon sa paunang imbestigasyon, pauwi na raw ang binatilyong biktima nang biglang tumigil sa kaniyang harapan ang riding in tandem at saka siya binaril. Matapos ang pagtangkang pagtakas, doon na raw umeksena ang concerned citizen na mabilis na nakabunot ng baril bago pa tuluyang makalayo ang mga suspek.
Kasalukuyan nang nagpapagaling sa ospital ang binatilyong biktima na napag-alamang kalalabas lang daw sa rehab. Posible umanong droga ang nasa likod ng motibo ng mga suspek. Ligtas din ang tricycle driver na nadamay sa nasabing pamamaril.
Patuloy naman ang pagtugis at pagtukoy ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng gunman na concerned citizen na mabilis na tumakas sa crime scene.
Samantala, isang lalaki naman ang naaresto ng mga awtoridad matapos niyang damputin ang baril ng nasabing concerned citizen at subukang itakbo. Posible umanong maharap sa kasong obstruction of justice at illegal possession of firearms ang lalaki.