Inihayag ni House Spokesperson Atty. Princess Abante ang posibilidad na makatawid ang quad committee sa pagpasok ng 20th Congress sa Hulyo.
Sa press conference nitong Miyerkules, Hunyo 24, sinabi ni Abante na umaasa umano ang mga dating chairperson ng naturang komite na may magpapatuloy ng nasimulan nilang imbestigasyon kaugnay sa ilegal na droga.
“Siguro pagsimula ng 20th Congress, ‘pag na-organize na ang iba’t ibang komite, makikita na natin do’n kung sino-sino ang talagang magtutuloy ng nasimulang quad-comm on the 19th Congress to the 20th,” saad ni Abante.
Dagdag pa niya, “Napakarami pa natin kailangang pag-usapan, talakayin, imbestigahan para masiguro na matugunan ‘yong kampanya laban sa ilegal na droga.”
Kasunod nito, pinuri ng tagapagsalita ng Kamara ang dulog na kasalukuyang administrasyon sa pagresolba ng naturang problema na hindi ginagawang prayoridad ang pagpatay.
Matatandaang sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nauna na niyang sinabi na hindi umano pagpatay ang sagot sa pagsugpo ng mga ilegal na droga sa bansa.
“Extermination was never one of them,” aniya
MAKI-BALITA: Extermination, hindi sagot kontra ilegal na droga