Hinangaan ng mga netizen ang dating palaboy na estudyanteng si Eugene Dela Cruz, na nauna nang nag-viral noong 2021 dahil sa kaniyang pagkatok sa mga netizen na suportahan ang kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng piso.
Si Eugene ay maagang naging independent matapos daw maghiwalay ng mga magulang niya noong siya ay limang taong gulang. Napunta siya sa pangangalaga ng kaniyang ama. Noong 12-anyos siya, pinalayas daw siya ng ama matapos malaman ang kaniyang sekswalidad.
Mula rito ay nagpagala-gala na raw sa mga lansangan si Eugene at namuhay nang mag-isa.
Kung babalikan, naglunsad siya ng sariling fundraising drive na pinangalanan niyang "Piso Para sa Laptop, Piso Para sa Pangarap." Ibinahagi niya ito sa Facebook post noong Agosto 5, 2021.
Produkto ng broken family, hindi naging hadlang ito upang galingan ni Eugene sa kaniyang pag-aaral, kahit na naging hamon pa ang bagong modality ng pagtuturo at pagkatuto dahil sa pandemya.
Sa katunayan, hindi nagmimintis ang pagkakaroon niya ng academic awards; dahil dito aniya, nakatanggap siya ng scholarships sa mga prestihiyosong unibersidad gaya ng University of the Philippines, Ateneo De Manila University, at De La Salle University.
"Dulot ng pandemya, nagsara ang mga paaralan na siya ring nag-udyok sa kanila na mag-isip ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Sa nagdaang taon ng pag-aaral (at huling taon sa hayskul), ang aming paarala’y gumamit ng modular distance learning scheme. Sa awa ng Diyos, ako’y nakapagtapos ng 'May Pinakamataas na Karangalan' na siya ring kauna-unahang ibinigay sa isang mag-aaral mula ng maipatayo ang Senior High School ng Hilongos National Vocational School," aniya sa kaniyang post noon.
"Sa tulong ng aking mga marka, ako ay nabiyayaan ng full scholarship sa De La Salle University (BS Applied Economics [Ladderized] at Ateneo De Manila University (AB Economics [Honors]). Ako rin ay nakapasa sa University of the Philippines (Los Baños) sa parehong kurso (BS Economics)."
Ngunit sa kabila aniya ng kaniyang kagalakan sa mga biyayang inihatid ng Panginoon sa kaniya, siya ay lubos na nangangamba. Bukod sa alam niya umanong ang mga unibersidad na ito’y gagamit ng online learning scheme kung saan mangangailangan umano siya ng internet connection at laptop, kinakailangan umano niyang magkaroon ng maintaining grade na alam niyangg mahirap tuparin lalo na’t kung wala naman aniyang mga kagamitang naaayon para sa learning scheme na ito.
"Sa katotohanan, ako’y nagsimulang mag-ipon simula noong Setyembre sa pamamagitan ng pagbabawas sa aking pagkain upang makapagtipid at makabawas sa aking gagastusin para sa aking sarili upang ako’y may maitabi na pera sapagkat alam kong hindi magiging madali ang aking pag-aaral kung wala akong laptop ngunit dulot sa scam na nangyari noong Mayo (20,000+), alam kong imposible na ngayon na makapag-ipon pa akong muli para makabili ako ng laptop na aking magagamit sa nalalapit na pasukan at orientation seminar sa susunod na mga linggo," paliwanag niya.
Nahihiya man umano sa kaniyang gagawin, lakas-loob na siyang bumuo ng sariling donation drive.
"Kung kaya’t ako’y kumakatok sa inyong mga puso para sa anumang halaga na siyang makakatulong upang makalikom ako ng sapat na salapi upang makabili ng laptop para sa aking pag-aaral. Kayo’y makaasa na ang inyong tulong ay hindi ko aaksayahin at aking gagamitin sa abot ng makakaya upang makatulong sa iba. Pasensya sa abalang aking naidulot at maraming salamat sa inyong oras," pakiusap ni Eugene.
KAUGNAY NA BALITA: Honor student mula Leyte na nakatanggap ng scholarship offers galing UP, La Salle, at Ateneo, nagfa-fundraise para sa laptop
At makalipas nga ang apat na taon, heto't nakatapos na ng kaniyang pag-aaral si Eugene sa Ateneo sa degree program na Bachelor of Arts in Economics, specialization in Financial Economics at minor naman in Decision Science.
Third Best Undergraduate naman ang kanilang thesis, at nagtapos siyang may honorable mention.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Eugene, sa kasalukuyan daw ay may remote job siya at ito ang nakatutulong sa kaniya para matustusan ang mga pangangailangan at makapag-ipon pa para sa kaniyang master's degree. Balak daw niyang kumuha ng MBA na may kinalaman sa Data Analysis.
"I have a remote job now po but am looking for other opportunities to augment my income stream po para makapagsave up for an MBA or Masters in the near future," aniya.
Sa ngayon daw ay nakatira siya sa Taytay, Rizal, at patuloy siyang nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong sa kaniya upang matupad ang kaniyang mga pangarap: magmula sa benefactors, private individuals, at mga kaanak.
Congratulations, Eugene!