Nasagip ng mga awtoridad ang isang 39 taong gulang na lalaking na-trap sa imburnal sa Cebu City.
Ayon sa mga ulat naghahanap daw ng mga barya ang lalaki hanggang sa mapadpad siya sa bahagi ng imburnal na hindi na mabuksan ang takip mula sa dapat na lagusan nito. Doon na raw siya nangalampag hanggang sa marinig ng ilang residente.
Agad namang sumaklolo ang Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office upang masagip ang lalaki. Tinatayang nasa 500 metro na raw ang kaniyang narating mula sa unang imburnal kung saan siya dumaan.
Dinala rin sa ospital ang lalaki upang masuri kung nagtamo ito ng mga galos sa katawan. Nakiusap na rin ang lokal na awtoridad sa publiko na i-report sa kanila ang anumang bukas na manhole upang maiwasan na raw maulit ang ganoong insidente.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Social Welfare and Services sa lungsod para sa assessment sa lalaki.
Ito na ang ikatlong insidente na may nasagip mula sa imburnal simula nang mag-viral ang binansagang “imburnal girl,” na nakatanggap ng tulong pinansyal na ₱80k mula sa DSWD.
KAUGNAY NA BALITA: : DSWD, nanawagang 'wag i-bash si 'Imburnal Girl' dahil sa ₱80k
Kaugnay nito, kamakailan lang ay dalawang lalaki rin ang nasagip matapos ma-trap sa imburnal sa Quezon City na napag-alamang nakontrata lamang daw na magkukumpuni ng tubo sa ilalim.
KAUGNAY NA BALITA: Gusto rin ng ₱80k? 2 lalaki, sinagip mula sa loob ng imburnal