Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) ang proteksyon at legal assistance na ibibigay nila sa netizen na nagbahagi ng video laban kung saan makikita ang tila nagkakarerang mga bus ng GV Florida Transport, Inc.
Nakatakda kasing sampahan ng nasabing bus company ang video uploader ng kasong cyberlibel.
Ngunit sa pahayag ng ahensya nitong Miyerkules, Hunyo 25, sinabi ni DOTr Secretary Dizon na wala umanong dapat ikatakot ang netizen na nag-upload ng video.
“Para sa uploader ng nagkakarerang Florida buses, wala kang dapat ikatakot. Nasa likod mo ang buong DOTr,” saad ni Dizon.
Matatandaang nauna nang humingi ng paumanhin ang GV Florida sa nangyari ngunit hindi ito tinanggap ni Dizon.
MAKI-BALITA: 'Amazing race?' 15 bus ng isang bus company, suspendido dahil sa 'karera'
Samantala, hinikayat naman ng DOTr ang publiko na patuloy umanong iulat sa kanilang tanggapan ang mga insidente ng hindi maingat na pagmamaneho ng mga driver sa pampublikong sasakyan tulad ng bus.