Dead on arrival na nang naisugod sa ospital ang dalawang lalaking pinagsasaksak umano ng isa nilang kainuman bunsod ng ambagan sa pambili ng alak sa Barangay San Agustin, Pili, Camarines Sur.
Lumalabas sa imbestigasyon ng awtoridad na magkainuman umano ang suspek at dalawang biktima na pawang dayo pa lamang sa nasabing lugar at kapwa mula sa Davao Oriental.
Ayon sa Pili Municipal Police, nagsimulang magkaroon ng tensyon nang manghingi na raw ng pera ang suspek sa mga biktima upang makabili pa ng alak. Tumanggi namang magbigay ang dalawang biktima na ikinagalit ng suspek.
Doon na raw bumunot ng panaksak ang suspek at saka inundayan ang dalawang biktima.
Sinubukan pa silang maisugod sa ospital ngunit hindi na sila umanot pang buhay. Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.