Patay ang isang biker nang masagasaan ng isang sports utility vehicle (SUV) habang nagbibisikleta sa Pasig City nitong Martes, Hunyo 24, ng hapon.
Ang biktimang si alyas ‘Rey,’ 36, residente ng San Andres, Cainta, Rizal ay kaagad na nasawi dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo at katawan.
Nasa kustodiya naman na ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas ‘Jun, ‘ 39, ng Brgy. Buting at alyas ‘Ben,’ 59, na mula naman sa Brgy. Pinagbuhatan.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-3:20 ng hapon nang maganap ang aksidente sa eastbound lane ng Shaw Boulevard, sa Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Nauna rito, lulan ng kanyang mountain bike ang biktima at binabagtas ang naturang lugar nang madaanan niya ang isang Suzuki Carry, na ilegal na nakaparada sa gilid ng Shaw Boulevard.
Kasalukuyan umano noong nagbababa ang driver ng behikulo, na si ‘Jun,’ ng mga galon ng tubig, nang bigla na lang bumukas ang tailgate ng sasakyan, sanhi upang tamaan ang biker, na nagresulta upang mawalan ito ng balanse at mabuwal sa sementadong kalsada.
Eksakto namang papadaan sa lugar na kinabagsakan ng biktima ang SUV, na minamaneho ni ‘Ben,’ na nagresulta upang masagasaan siya at masawi.
Kapwa inaresto ng mga awtoridad ang dalawang driver na mahaharap sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Damage to Property.